fbpx
Home / Showbiz / Ina ni Sophie Corullo, inalala ang mga huling sandali ng batang aktres

Ina ni Sophie Corullo, inalala ang mga huling sandali ng batang aktres

MANILA — Kahit hinang-hina na, nais ng batang aktres na si Niña Sophia Gabrielle “Sophie” Corullo na mapanood ang kanyang naging pagganap sa “Maalaala Mo Kaya” kasama ang kanyang pamilya.

Si Sophie na dating kalahok sa “Mini Me” contest ng “It’s Showtime” ay namatay sa edad lamang na anim nitong Linggo, Agosto 18, dahil sa dengue.

Sa panayam ni Raphael Bosano ng ABS-CBN News, inalala ni Angeli Corullo ang mga huling araw ng kanyang anak na si Sophie.

Aniya, wala siyang hinala noon na dengue ang dumapo sa anak.

“Ang bilis kasi noon. Noong madaling araw bago mag-Wednesday, nagkaroon ng lagnat. ‘Yun lang ang lagnat niya talaga. Hindi siya nilagnat nang dire-diretso. Pagdating ng Thursday, Friday, wala siyang lagnat at saka masigla siya. Wala siyang mga sign kasi tinitingnan ko siya kung may rashes o bleeding, wala talaga. Kaya lang noong Sabado, medyo matamlay siya. Kaya ang ginawa ko [dahil] sarado ang clinic, diniretso ko sa OsMak (Ospital ng Makati),” kuwento niya.

“Pagdating doon sa OsMak, sabi mababa raw ang platelets niya. Ang ginawa ay diniretso na po siya sa ICU. Tapos wala na, dire-diretso na hanggang Sunday ng after lunch [binawian siya ng buhay].”

Ayon kay Angeli, kahit hindi na maganda ang pakiramdam ay nakiusap ang kanyang anak na umuwi sila sa bahay dahil excited ito na mapanood ang naging pagganap niya sa “MMK.”

Inere nitong Sabado ang episode kung saan nakasama ni Sophie ang aktres na si Yen Santos.

“Excited na excited nga siya noong Sabadong ‘yon dahil hindi po ba, ipapalabas ‘yung sa ‘MMK.’ Gusto niyang umuwi noon pero hindi kami nakauwi. Gustong-gusto niyang umuwi noong Sabado na ‘yon, hindi na po niya napanood,” ani Angeli habang nagpupunas ng kanyang mga luha.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inakala ng ina na sa isang iglap ay mawawala sa kanya ang minamahal niyang si Sophie.

“Napakabait. Lahat ng pangarap niya hindi para sa kanya. Lahat ng pangarap niya ay para sa mga kapatid niya. Noong last na taping nga niya sabi niyang ganun, ‘Mommy, ‘yung kinita ko ibigay mo kay ate, pambayad niya ‘yon sa school kasi exam nila.’ Ang bait-bait niyan, ang dami niyang pangarap para mga kapatid niya,” aniya.

Aminado si Angeli, hindi niya alam kung paano haharapin ang

mga susunod na araw na wala si Sophie, na pinagmumulan ng saya ng kanilang pamilya.

Habang nagdadalamhati sa pagpanaw ni Sophie, hinaharap din niya ang pangamba para sa isa pang anak na nag-positibo rin sa dengue.

“Sabi ko nga, sinisisi ko ang sarili ko. Kung alam ko lang na ‘yung lagnat niya na ‘yon ay ‘yun na ‘yon. Kaya lang, hindi ko naman in-expect kasi nawala siya, pero ‘yon na pala ‘yon. Sana ay dinala ko siya (Sophie) agad [sa ospital] kasi kasalanan ko eh,” ani Angeli na nagbigay din ng payo sa ibang magulang para makaiwas sa sakit na nararanasan niya ngayon.

“Maging more cautious sila na hindi porke’t nawala na ang lagnat, parang mukhang healthy o masigla, ay okay na ‘yon. Dapat talaga agapan para hindi humantong sa ganito,” aniya.

Ayon sa Department of Health, ngayong 2019 ay naitala ang pinakamataas na bilang ng may dengue sa loob ng limang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

Credit belongs to : www.abs-cbn.com


Check Also

WATCH: Vice Ganda, Ion Perez suddenly in tears as they exchange ‘I love you’s’

MANILA — Rumored couple Vice Ganda and Ion Perez were suddenly in tears Friday during …

Social Media Auto Publish Powered By : XYZScripts.com