Random Image Display on Page Reload

[EDITORIAL] Father Flavie: When compassion met injustice

[EDITORIAL] Father Flavie: When compassion met injustice
Para kay Father Flavie, 'silence would have been complicity'

May isang pare noong 2015 na nagtayo ng haven para sa dukha, palaboy at marginalized sa Tayuman, Maynila. Hindi ito simpleng feeding station lang — sa Arnold Janssen Kalinga Center inaakay ang mga latak ng lipunan na kumain, maligo, magupitan, maahitan, at mabihisan.

Pero may ibang papel sa lipunan na nakaabang para kay Father Flavie Villanueva — magiging susing lider siya ng kilusang nangahas bumangga sa impunity ng giyera kontra droga.

Isang dating drug user, kinalinga niya ang mga gumagamit ng droga sa center, kasama ang ibang kapos-palad. Noong 2016, sinabi ni Father Flavie sa Rappler, may lima silang alaga sa center na tinarget ng Oplan Tokhang.

Doon na nagkrus ang landas ni Father Flavie sa pulitika ng bansa.

Nitong Nobyembre, ginawaran si Father Flavie ng 2025 Ramon Magsaysay (RM) Award, ang pinakamataas na karangalan sa Asya.

Sa kanyang lecture, tinawag ni Father Flavie ang Duterte years na “bloodiest years in Philippine history.” At nasapul din niya ang esensya ng “war vs drugs” — tinawag niya itong “giyera laban sa mahihirap.”

Para kay Father Flavie na minsan nang tinahak ang landas ng mga drug user na tinutulungan niya, ito ay “radical compassion” na kumukuha ng inspirasyon sa “revolution of tenderness” ng yumaong si Pope Francis.

Sabi niya, “The streets where we once walked to serve food and offer baths have been turned into streets of bloodbaths.” At talagang bloodbath. Tinatantiyang nasa hanggang 30,000 ang mga naging biktima ng drug war, ayon sa human rights groups.

Sa kanyang lecture sa RM Awards, sinabi niyang nanggaling siya sa “human brokenness” at ang hugot niya sa buhay ay nagmumula sa “darkness and grace.”

Hindi raw pedestal ang priesthood, at lumalapit daw sa kanya ang mga napariwara “not because they see perfection but because they are hurting.”

Pero kakambal ng pagpapakumbaba at pagkilala sa sariling karupukan, nariyan ang tapang ni Father Flavie sa harap ng state violence.

Sabi niya, hindi niya tinahak ang pananahimik dahil “silence would have been complicity.”

At sa harap ng extrajudicial killings, nakita ni Father Flavie ang pangangailangang saluhin ang mga buhay — ang mga biyuda, ang mga naulila, ang mga ina, kapatid, at kamag-anak ng mga biktima ng tokhang.

Sabi niya, “Compassion had to grow teeth, it had to speak, had to stand, it had to act.” Dito nagsimula ang listening, counseling, documentation, livelihood education, scholarship assistance, at leadership formation sa mga pamilya ng mga biktima ng EJK. Habang ang iba’y nagkakasya sa sloganeering at kuda, nagbalangkas at nagtayo si Father Flavie ng proseso, institusyon, at social network na magsasabuhay ng salitang “compassion.”

Kasama si Cardinal Ambo David, nananawagan si Father Flavie para sa isang truth commission para sa EJK ni Duterte.

Mabuhay ka Father Flavie — sa pamamagitan mo, nagkaroon ng landas upang maghilom ang mga buhay na winasak ng war on drugs. – Rappler.com

*****
Credit belongs to : www.rappler.com

Check Also

FACT CHECK: ‘Rappler’ news graphic claiming Duterte standee spotted at world summit is fake

FACT CHECK: ‘Rappler’ news graphic claiming Duterte standee spotted at world summit is fake

The social media card mimics Rappler’s graphics; Rappler did not publish any article with the …