Hindi maawat: Live viewers ni Cardo, pitong magkakasunod na gabi nang record-breaking

Coco Martin bilang Cardo sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano.’ Instagram: @cocomartin_ph

Naputol man ang limang taong pamamayagpag nito sa free TV dahil sa kawalan ng prangkisa ng ABS-CBN, patuloy namang sinususbaybayan ang pakikipagbakbakan ni Cardo sa Kapamilya Online Live, kung saan napapadalas ang pagiging record-breaking ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Nitong nagdaang linggo lang, pitong sunud-sunod na episode ng primetime serye ang nakapagtala ng panibagong all-time high concurrent live viewers sa YouTube, o iyong magkakasabay na nanonood ng livestream ng programa.

Pinakahuli ay nitong Miyerkoles, Hunyo 2, sa pag-ere ng “Kapit,” kung saan napaligiran ng mga puwersa ni Renato (John Arcilla) ang Task Force Agila.

Sumampa ang naturang episode sa 145,813 live viewers, ang panibagong record ng “Ang Probinsyano” sa YouTube. Malaki ang itinalon ng numerong ito kumpara sa pinakahuling all-time high viewership ng programa.

Heto ang sunud-sunod na record ng “Ang Probinsyano” sa nakalipas na pitong episode nito:

  • Hunyo 2: 145,813
  • Hunyo 1: 137,732
  • Mayo 31: 128,817
  • Mayo 28: 126,897
  • Mayo 27: 125,645
  • Mayo 26: 120,390
  • Mayo 25: 120,256

Kabilang ang viewership nitong Miyerkoles, sa nagdaang buwan lang ay nakapagtala na ang programa ng 10 new-all time high record. Una nang nagmarka ang mga episodes noong Mayo 10, 11, at 18.

Mula nang ipalabas ang “Ang Probinsyano” sa ABS-CBN Channel 2 noong 2015, hindi natibag ito bilang numero unong programa sa telebisyon sa buong Pilipinas — hanggang nitong Hulyo 2020, nang ipasara ng isang komite sa kongreso ang free TV channel ng network.

Sa paglipat ni Cardo sa digital, unti-unting lumawak muli ang naabot ng “Ang Probinsyano.” Mula 56,000 live viewers noong Hulyo 2020, nakasampa ng 80,000 ang programa nitong Enero 2021.

Nitong Marso, nagsimulang tumuntong ang serye sa 100,000 live viewers, at mula noon ay patuloy lang na tumaas ang bilang ng sabay-sabay na nanonood online.

Bukod sa Kapamilya Online Live, mapapanood ang “Ang Probinsyano” sa Kapamilya Channel, A2Z Channel 11, TV5, CineMo, iWant TFC, TFC, WeTV, at iflix.

Related videos:

*****
Credit belongs to : www.cbc.ca

Check Also

Fil-Am Olivia Rodrigo’s ‘driver’s license’ most-streamed on Spotify, Apple Music charts

Music Fil-Am Olivia Rodrigo’s ‘driver’s license’ most-streamed on Spotify, Apple Music charts MANILA, Philippines — …

error: Content is protected !!