Kuya Bong: Masyado pang maaga para sa pulitika

Sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na mas gugustuhin niya na magpokus muna sa pagseserbisyo, partikular ang kasalukuyang coronavirus disease (COVID-19) pandemic, at pagtulong sa mga Pinoy na nasa kritikal na sitwasyon, imbes na talakayin ang eleksyon.

Sa isang panayam matapos na personal na namahagi ng tulong sa mga biktima ng bagyong Ulysses sa Bulacan, idinagdag ni Go na walang duda na susuportahan niya si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magdesisyon siya na maging running mate ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte sa presidential polls sa 2022.

“Kung ako ang tatanungin, of course, susuportahan ko po ‘yan dahil naniniwala po ako kay Pangulong Duterte at kay Mayora Sara, pero sa ngayon napakaaga pa pong pag-usapan ang pulitika, unahin muna natin ang pandemya baka kung ‘di tayo makalagpas sa pandemya, wala tayong pulitikang pag-uusapan,” sabi ni Go.

Iginiit naman ni Go na mas importante sa kanya na protektahan at iligtas ang buhay ng mga Pinoy sa harap ng banta ng COVID-19, serye ng mga kalamidad at iba’t ibang krisis na kinakaharap ng bansa.

“’Wag muna tayo mag-usap ng pulitika, napakatagal pa ‘yang pulitikang ‘yan at ‘di pa po makakatulong ‘yan sa panahong ito. Importante po malagpasan natin ito,” dagdag ni Go.

Kasabay nito, muling tiniyak ni Go sa publiko na prayoridad ng gobyerno ang mga mahihirap at frontliners sakaling simulan ang vaccination program kontra COVID-19.

“Kami naman ni Pangulong (Rodrigo) Duterte, kapag mayro’n nang vaccine na available at nadeklarang safe na po ito ay uunahin namin ang mga mahihirap at ‘yung mga vulnerable sector,” ayon pa kay Go.

Iginiit ni Go na habang wala pang bakuna, dapat ay sumunod ang publiko sa mga safety protocol, kagaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay.

“Ako’y natutuwa na ang Pilipino ay disiplinado po at sumusunod sa paalaala ng gobyerno. Just cooperate with the government. Para po ito sa inyo. Lahat po ng aming ginagawa ay para sa kabutihan po ninyo,” sabi ni Go.

Samantala, personal na namahagi si Go ng iba’t ibang ayuda sa mga biktima ng bagyong Ulysses sa Baliuag, Sta. Maria at Guiguinto, Bulacan noong Martes, 8 Disyembre.

Sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic, tiniyak ni Go na tuloy ang pagtulong niya sa mga Filipino na nasa kritikal na sitwasyon, habang sumusunod sa mga health protocol para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Credit belongs to : www.tribune.net.ph

Check Also

Zamboanga City reports 89% Covid-19 recovery rate

Zamboanga City Hall ZAMBOANGA CITY – This city has registered a recovery rate from coronavirus …

error: Content is protected !!