Seth Fedelin sa paggamit ng social media: Napakain ko ang pamilya ko

Mula sa Instagram ni Seth Fedelin

Bagamat aminadong hindi gaanong tutok sa paggamit ng social media, inamin ng batang aktor na si Seth Fedelin na malaki ang naitulong nito sa kaniyang pamumuhay dahil nabibigyan siya ng kabuhayan.

Sa virtual media conference ng bago nitong serye na “Click, Like, Share,” ibinahagi ni Fedelin na malaki ang papel ng social media upang mapunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

“Pinaka-best naman na nangyari nang dahil sa social media ay napakain ko ang pamilya ko. Hanggang ngayon napapakain ang pamilya ko at nakakabayad ako ng bills sa bahay namin dahil sa social media,” paliwanag ng aktor.

Sa kabila nito, ikinuwento ni Fedelin na hindi pa rin niya nakasanayan ang magbabad sa social media applications.

Aniya, mas pinipili niya ang makipag-usap sa mga tao sa bahay kaysa humawak ng cellphone.

Nagagamit lang umano nito ang kaniyang mga online accounts kapag may kailangang ipasa o gawin para sa trabaho.

Ayon pa sa aktor na isa sa mga bida sa seryeng “Huwag Kang Mangamba,” nasa fourth year high school na ito nagka-cellphone kaya naman hindi nito nakaugaliang gumamit ng mga gadget.

“Sa totoo lang hindi ako lumaki sa social media hanggang ngayon. Hindi ko siya nakaugalian kasi nung bata kami wala naman kaming cellphone, wala naman kaming computer, as in,” ani Fedelin.

Dahil limitado rin ang oras na inilalaan sa paggamit ng social media, hindi rin umano siya nakikipag-away online o ‘di kaya’y madalas maglabas ng saloobin sa social media pages.

“Hindi ako 'yung gagatungan ko pa, dadagdagan ko, makikipag-away ako. Wala akong ganun. Ang ginagawa ko lang is isi-share ko lang siya. Pero iisipin ko ng madaming beses,” dagdag pa nito.

Kasama ni Fedelin na bibida sa digital anthology series na “Click, Like, Share” ang mga kasamahan nito sa Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, at Kyle Echarri.

Mapapanood ang digital series nina Brillantes, Fedelin, Diaz, at Echarri simula Hunyo 5 sa KTX.ph at iWantTFC.

Iikot ang apat na iba’t ibang kuwento sa mga usapin tungkol sa social media lalo na sa buhay ng mga kabataan.

Related videos:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

*****
Credit belongs to : www.cbc.ca

Check Also

Albie Casiño claims losing millions due to paternity issue with Andi Eigenmann

Entertainment Albie Casiño claims losing millions due to paternity issue with Andi Eigenmann MANILA, Philippines …

error: Content is protected !!